Tuesday, September 29, 2009

Dapat bang sumunod sa uso?

Damit, sapatos, computers, cellphones at iba pang mga makabagong teknolohiya ay iilan lamang sa mga bagay na patuloy na umuunlad at patuloy na tinatangkilik ng mga tao. Dapat bang bawat isa nito ay dapat meron tayo? Hindi ba tayo matatawag na "in" kapag wala tayo nito? Tulad na lang sa pananamit, maituturing na ba tayong baduy kung hindi tayo nakakasunod sa uso?, o di naman kaya'y sa mga gamit, maihahalintulad ba tayong mahirap o dukha kung wala tayo ng mga ito?

May mga taong nariyan pa rin na makaluma ang pamumuhay, mga taong nagmimistulang Maria Clara at Crisostomo Ibarra sa kanilang mga kasuotan, mga taong makainilya pa rin ang gamit hanggang ngayon. May mga taong kung ano lang ang nariyan ay kanila na lamang pinagtitiyagaan. Mayroon ding kahit walang pera at hindi makuntento sa kung anong meron sila ay gumagawa pa rin ng mga paraan para lang makasunod sa uso, minsan ay hindi na tama ang kanilang ginagawa at hindi nila alam na malaking pagkakamali sa harapan ng Panginoon ang kanilang ginagawa.

Ilan sa mga nariyan ay pilit pinakikibagayan ang bawat mausong mga bagay kahit hindi naman ito nararapat. Ang iilan naman ay gumagastos ng napakalaking halaga para lamang makasunod sa uso. May iilan namang paraan na makakasunod sa uso na hindi na gugugol ng malaking halaga. At dapat nating isaalang-alang ang bawat sitwasyon at ang antas ng ating pamumuhay kung tayo ay makikiuso.
Kung may pera ka walang problema kung makikibagay at susunod ka sa uso, basta huwag ka lang aabuso at ito'y hindi makakasama. At kung ikaw naman ay mahirap lamang pwede ka namang makagawa ng sarili mong porma bukod doon ay mas uso ang pagiging kakaiba(uniqueness). Iba na ang panahon ngayon, mayroong mga taong hindi sumusunod sa uso, bagkus sila pa ang nagpapauso. Hindi mahalaga kung tayo ay hindi makasunod sa uso, nasa bawat indibidwal kung paano sila makikibagay.


John Dave S. Joaquin
BS Psychology-1A

No comments:

Post a Comment